Monday, July 6, 2026

𝗛𝗜𝗚𝗜𝗧 𝗣𝟭𝟰𝟯-𝗞 𝗛𝗔𝗟𝗔𝗚𝗔 𝗡𝗚 𝗧𝗥𝗢𝗦𝗢, 𝗡𝗔𝗞𝗨𝗠𝗣𝗜𝗦𝗞𝗔 𝗦𝗔 𝟱 𝗜𝗟𝗟𝗘𝗚𝗔𝗟 𝗟𝗢𝗚𝗚𝗘𝗥𝗦 𝗦𝗔 𝗦𝗔𝗡 𝗚𝗨𝗜𝗟𝗟𝗘𝗥𝗠𝗢

Cauayan City – Limang hinihinalang sangkot sa ilegal na pagtotroso ang inaresto ng mga awtoridad sa isang anti-illegal logging operation na isinagawa sa kagubatan ng Sitio Dilucut, Barangay Burgos, San Guillermo, Isabela.

Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Chris,” 42-anyos; alyas “Mark,” 58-anyos; alyas “Dexter,” 41-anyos; alyas “Keano,” 50-anyos; at alyas “Juan,” 49-anyos na pawang magsasaka at residente ng Barangay Dicamay, San Mariano, Isabela.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng magkasanib na operasyon ang San Guillermo Municipal Police Station, iba’t-ibang unit ng kapulisan, at CENRO Cauayan City matapos mamataan ang mga suspek na umano’y aktuwal na nagpuputol at nagsasalansan ng mga bagong putol na puno ng White Lauan sa loob ng kagubatan.

Nang hingan ng mga operatiba ng mga kinakailangang permit at iba pang dokumentong inisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), hindi umano nakapagpakita ang mga suspek ng anumang legal na papeles. Dahil dito, agad silang inaresto dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines at Republic Act 9175 o Chainsaw Act of 2002.

Nasamsam sa operasyon ang dalawang chainsaw kasama ang 80 piraso ng White Lauan na tinatayang nasa 2,611.99 board feet at nagkakahalaga ng ₱143,659.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.

Facebook Comments