Monday, July 6, 2026

𝗡𝗔𝗜𝗪𝗔𝗡𝗚 𝗕𝗨𝗧𝗔𝗡𝗘 𝗖𝗔𝗡𝗜𝗦𝗧𝗘𝗥, 𝗣𝗜𝗡𝗔𝗡𝗜𝗡𝗜𝗪𝗔𝗟𝗔𝗔𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗡𝗛𝗜 𝗡𝗚 𝗦𝗨𝗡𝗢𝗚 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗨𝗣𝗔𝗛𝗔𝗡 𝗦𝗔 𝗠𝗜𝗡𝗔𝗡𝗧𝗘 𝟭, 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬

CAUAYAN CITY- Tinupok ng apoy ang isang paupahan sa Brgy. Minante 1 sa lungsod ng Cauayan noong ika-3 ng Hulyo.

Sa panayam ng IFM News Team kay Ginoong Rolando Lanuza, may ari ng paupahan, sinabi nitong nauna umano itong nakita ng kaniyang pamangkin na nasusunog na ang ilang bahagi ng kanilang paupahan.

Dagdag pa niya, wala siya sa kanilang tahanan nang mangyari ang insidente at nakatanggap lamang siya ng tawag mula sa kanyang anak na nagpabatid na nasusunog na ang kanilang ari-arian. Agad namang nagtulong-tulong ang kanilang mga kamag-anak, mga kapitbahay, at mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City upang maapula ang apoy.

Ayon pa kay Ginoong Lanuza, lumalabas umano sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection Cauayan City, na maaring ang naging sanhi ng nasabing sunog ay ang isang butane canister na naiwan sa loob ng storage area.

Bukod sa storage, nadamay din sa sunog ang isang inuupahang kuwarto at mga personal na gamit ng inaanak ni Lanuza na siyang umuupa sa naturang silid.

Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang kanilang paglilinis at pagsasaayos ng mga nasunog na bahagi ng paupahan. Wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa insidente.

Samantala, nanawagan si Ginoong Rolando Lanuza sa Lokal na Pamahalaan ng Cauayan na mabigyan siya ng kaukulang tulong upang makabangon mula sa pinsalang dulot ng sunog.

Facebook Comments