
CAUAYAN CITY – Timbog sa isinagawang gun buy-bust operation ng mga awtoridad ang isang hinihinalang gun runner sa lungsod ng Ilagan gabi ng ika-6 ng Mayo.
Kinilala ang suspek na si alyas “Mike,” 35-anyos, laborer, at residente ng Purok 3B, Brgy. Upi, Gamu, Isabela.
Batay sa ulat, nadakip ang suspek matapos umano nitong maibenta sa isang poseur-buyer ang isang Colt caliber .45 pistol na may kasamang magazine at tatlong bala kapalit ng marked money na binubuo ng isang tunay na ₱1,000 bill at boodle money na nagkakahalaga ng ₱22,000.
Matapos ang transaksyon ay agad inaresto ang suspek at isinailalim sa body search. Dito narekober ang isang MK2 fragmentation hand grenade, isang mini rusty caliber .22 revolver na may tatlong live ammunition, isang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.1 gramo at halagang ₱680, isang folded foil, isang Realme cellphone, personal na pera, at isang motorsiklong pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na aktibidad.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act 9516 kaugnay ng illegal possession of explosives.
Matapos ang operasyon ay dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng Ilagan CCPS para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.










