LIBRENG 10-KILONG BIGAS, PINILAHAN SA DAGUPAN CITY

Pinilahan ng mga Dagupeno ang distribusyon ng libreng tig-10 kilong bigas sa ilalim ng PBBM Rice Distribution Program mula sa Local Government Support Fund (LGSF) noong Mayo 6, 2026.

Ilan sa mga benepisyaryo, gaya ni Aleng Clarita, ang nagsabing malaking tulong umano sa kanilang araw-araw na gastusin ang natanggap na libreng bigas lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Sa unang batch pa lamang, umabot sa 10,000 sako ng bigas ang ibinigay mula sa kabuuang 50,000 sako na nakatakdang ipamahagi sa lungsod.

Sa panayam ng IFM News Dagupan, sinabi ni Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez na prayoridad sa unang distribusyon ang mga kabilang sa vulnerable sectors tulad ng mga senior citizen at mga pamilyang indigent.

Nagbigay rin ang lokal na pamahalaan ng karagdagang relief packs na naglalaman ng noodles at sardinas upang madagdagan pa ang natatanggap ng mga benepisyaryo.

Samantala, kabilang ang Dagupan City sa mga piling lungsod sa bansa na nagsagawa ng naturang programa mula sa gobyerno. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments