Saturday, June 27, 2026

𝗞𝗔𝗚𝗔𝗪𝗔𝗗 𝗡𝗔 𝗡𝗔𝗠𝗕𝗨𝗚𝗕𝗢𝗚 𝗡𝗚 𝗜𝗟𝗔𝗡𝗚 𝗥𝗘𝗦𝗜𝗗𝗘𝗡𝗧𝗘 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗣𝗢𝗦𝗜𝗧𝗜𝗕𝗢𝗡𝗚 𝗚𝗨𝗠𝗔𝗚𝗔𝗠𝗜𝗧 𝗡𝗚 𝗜𝗟𝗘𝗚𝗔𝗟 𝗡𝗔 𝗗𝗥𝗢𝗚𝗔

CAUAYAN CITY – Posibleng maharap sa patong patong na kaso ang isang barangay kagawad dahil sa umano’y pambubugbog nito sa ilang mga residente sa Brgy. District 3, Cauayan City.

Kusang humarap sa konseho ang mga biktima na sina alyas “Ben,” 46-anyos, at alyas “Noy,” na kapwa residente ng naturang barangay upang tumestigo laban sa pang-aabuso ng kagawad sa mga residente sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng kanilang nararanasang pananakit mula rito.

Sa isinagawang pagdinig sa konseho isinalaysay ng isa sa mga biktima na si alyas “Ben” ang sapilitang pagpoposas, pagdakip, at pagdadala ng barangay kagawad at mga barangay tanod sa kanya sa Barangay Hall noong February 25, 2026
upang doon bugbugin matapos ang umano’y pagpapaputok nito ng kwitis. Maliban dito, binantaan rin umano siya ng kagawad na itatapon sa tulay.

Ganito rin ang naging pahayag ng isa pang biktima na si alyas “Noy” kung saan ipinatawag rin siya ng barangay kagawad sa barangay hall at doon ay pinosasan, sinaktan, at binantaan rin na itatapon sa isang tulay.

Samantala, base sa resulta ng medical test ng kagawad mula sa City Health Office, napag-alaman na nagpositibo sa isinagawang drug test ang nasabing barangay kagawad.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang inihahanda ang kaukulang mga kaso na posibleng isampa laban sa opisyal ng barangay.

Facebook Comments