
Cauayan City – Matapos ang sunud-sunod na insidente ng karahasan sa mga paaralan sa iba’t-ibang lugar sa bansa, mas paiigtingin ng mga awtoridad ang pagsisiguro ng seguridad sa mga paaralan sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng IFM News Team kay Public Order and Safety Division Cauayan City Chief Pilarito Malillin, sinabi nito na kasalukuyan na silang nakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa lungsod upang mas pagtibayin ang inter-agency coordination kaugnay sa pagsisiguro ng seguridad sa mga paaralan.
Aniya, kabilang sa mga ahensyang ito ay ang PNP, Department of Education, Department of Social Welfare and Development Office, at Department of Health.
Binigyang-diin nito na hindi kakayanin ng iisang ahensya lamang ang pagsisiguro ng kaligtasan ng mga mag-aaral at guro sa mga paaralan kaya naman mahalaga ang pagkakaisa ng mga nabanggit na ahensya.
Binalikan rin nito ang isang insidente ng pananaksak sa loob ng isang paaralan sa lungsod noong mga nakaraang taon at ginamit itong halimbawa kung bakit noon pa man ay tinututukan na nila ang pagbabantay sa mga eskwelahan.
Sinabi nito na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga ahensya, pagpapalakas ng visibility ng mga awtoridad sa school premises, at pagkakaroon ng intervention programs pata sa mga mag-aaral ay maiiwasan ang ganitong uri ng insidente.










