
CAUAYAN CITY- Kasabay ng paggunita ng ika-304th na Anibersaryo ng Ilagan City ngayong araw ika-4 ng Mayo, pormal na pinasinayaan ang City of Ilagan College na matatagpuan sa Brgy. Lullutan Ilagan City.
Isa sa mga tampok sa nasabing okasyon ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Ilagan at Adamson University. Layunin ng kasunduan na makapaghatid ng dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral sa lungsod, lalo na sa larangan ng allied health programs.
Sa naging panayam ng IFM News Team kay Ilagan City Mayor Josemarie Diaz, ang naturang paaralan ay mag-aalok ng mga kursong may kinalaman sa kalusugan, kabilang ang nursing, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang Ilagueño lalo na ang mga anak ng magsasaka na makapag-aral at magkaroon ng mas maayos na kinabukasan.
Ayon pa sa alkalde, inaasahang malaki ang magiging papel ng Adamson University sa paggabay at pagtulong sa pamamahala ng bagong tatag na institusyon upang matiyak ang kalidad ng edukasyon na ibibigay nito.
Ang pagtatatag ng City of Ilagan College ay itinuturing na isang mahalagang hakbang sa pagpapalawak ng akses sa edukasyon at pagpapaunlad ng human resources sa lungsod










