Ligtas na naisilang ang isang sanggol matapos abutan ng panganganak ang isang ginang sa loob ng tricycle sa harap ng San Jacinto Police Station.
Batay sa ulat, nagtungo sa himpilan ang ginang kasama ang kanyang magulang upang humingi ng tulong dahil sa nararanasang paghilab.
Agad namang umalalay ang mga tauhan ng San Jacinto Police na sina Pat Gheriael O. Ellamil, PCPT Philip S. Belly, at PCMS Meliza U. Nabor.
Habang hinihintay ang sasakyang magdadala sa ginang sa ospital, tuluyan na itong nanganak sa loob ng tricycle.
Sa gitna ng biglaang sitwasyon, maingat siyang inalalayan ni Pat Ellamil hanggang sa ligtas na maisilang ang sanggol.
Agad ding dinala ang mag-ina sa Mapandan Community Hospital sa tulong ng MDRRMO upang mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon.
Patunay ito na ang serbisyo publiko ay hindi lamang sa pagpapanatili ng kaayusan, kundi pati sa agarang pagtugon sa oras ng pangangailangan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







