
CAUAYAN CITY- Naghayag ng pagkadismaya ang ilang residente at mga tricycle driver sa Barangay Labinab matapos muling bakbakin ang isang kalsadang kamakailan lamang na naipagawa.
Sa panayam ng IFM News Team kay Ginang Canora Gulapan,residente ng nabanggit na barangay,sinabi nitong kinakailangang tiyaking de-kalidad at naaayon sa itinakdang pamantayan ang mga materyales na gagamitin upang maging matibay, ligtas, at pangmatagalan ang pagkakagawa ng kalsada.
Ayon naman kay Ginoong Alexander Taguinod, isang tricycle driver na dumadaan sa nasabing barangay, bukod sa kanilang kabuhayan, apektado rin umano ang mga estudyanteng dumaraan sa lugar. Ilan sa mga ito ang nalalate sa pagpasok sa paaralan dahil sa matinding traffic, lalo na tuwing umaga.
Samantala, ayon kay City Administrator Czarah Jane S. Dy, batay sa pagsusuring isinagawa noong October 22, 2026 ng Provincial Project Monitoring Team kasama ang LGU Project Monitoring Committee, natuklasan ang malalaking bitak at iba pang depekto sa pagkakagawa ng kalsada.
Dahil dito, inirekomenda na obligahin ang contractor na alisin at palitan ang mga depektibong bahagi sa sarili nitong gastos. Binigyang-diin na hindi sapat ang pagtatapal lamang at kinakailangang palitan ang mga depektibong kongkreto.
Umaasa naman ang mga residente at tricycle driver na agad na matatapos ang pagkukumpuni upang maibalik sa normal ang daloy ng trapiko at hindi na maapektuhan ang kanilang kabuhayan at pag-aaral ng mga estudyante.










