
CAUAYAN CITY, ISABELA β Perwisyo ang nararanasan ng mga residente ng Barangay Manaoag sa Cauayan City dahil sa umano’y pagdami ng mga langaw na iniuugnay sa operasyon ng isang poultry farm na malapit sa lugar.
Sa panayam ng iFM News Team kay Fritizi Suguitan, isa sa mga residente, ibinahagi nito ang malaking abalang dulot ng pagdami ng mga langaw sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Samantala, ayon sa ilang opisyal ng Barangay Manaoag, ilang beses na nilang idinulog sa pamunuan ng poultry farm ang kanilang reklamo upang matugunan ang problema.
Nagkaroon man umano ng aksyon matapos silang bigyan ng ini-spray na panlaban sa mga langaw, pansamantala lamang itong naging epektibo dahil bumalik din ang mga ito makalipas ang ilang araw.
Hindi lamang umano Barangay Manaoag ang nakararanas ng ganitong sitwasyon dahil maging ang mga karatig-barangay na Dianao at Gappal ay apektado rin ng pagdami ng mga langaw.
Sa panayam ng iFM News Team kay Barangay Kagawad Edward Ramos ng Barangay Dianao, ibinahagi rin nito ang kanilang nararanasang sitwasyon kaugnay ng problema.
Umaasa naman ang mga opisyal ng barangay na agad na mabibigyan ng pangmatagalang solusyon ang problema upang tuluyan nang mapuksa ang mga langaw at hindi na patuloy na maabala ang mga residente.










