Friday, April 24, 2026

𝗦𝗧𝗥𝗘𝗘𝗧 𝗩𝗘𝗡𝗗𝗢𝗥𝗦 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗔𝗣𝗘𝗞𝗧𝗔𝗗𝗢 𝗦𝗔 𝗜𝗡𝗜𝗧 𝗡𝗚 𝗣𝗔𝗡𝗔𝗛𝗢𝗡

CAUAYAN CITY – Apektado ng mainit na temperatura ang mga street vendors maging ang kanilang mga produkto sa Cauayan City.

Sa pakikipanayam ng iFM Newsteam kay Benjamin Manaligod, isang pares vendor, iginiit niyang wala siyang magagawa kundi tiisin nalang ang init sapagkat sa kagaya niyang street vendor, mainit man o maulang ang panahon ay kailangang magtinda para may maipakain sa pamilya.

Dagdag pa niya, tinatangkilik pa rin naman ng ilan ang kanyang ibinebentang pares subalit dahil panahon ng tag-init, nabawasan ang bumibili kung ikukumpara noong taglamig na kailangan ng tao ng mainit na sabaw.

Samantala, mas patok naman ngayon ang panindang palamig ni Ginoong Jomicheal Dagon kumpara sa ibenebenta niyang tinapay. Aniya, isa sa mga rason ay ang hindi paglabas ng kanyang mga suki ng tinapay dahil sa matinding init ng panahon.

Katulad ni Ginoong Dagon, sinabi rin ng isa pang palamig vendor na si Christian Fragata na lumakas rin ang kanyang kita sa panindang inumin na siyang mas hinahanap ng tao ngayong panahon ng tag-init.

Facebook Comments