
Cauayan City – Bilang pagpapahusay ng serbisyo ng tubig sa Barangay Barucboc, Quezon, Isabela, isinasagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Quezon ang modernisasyon ng Barucboc Water System (BWS) sa pamamagitan ng pag-install ng hybrid solar-powered water pump.
Ayon sa LGU, kasalukuyang gumagamit ang water system ng diesel generators bilang pangunahing pinagkukunan ng kuryente, na nagreresulta sa mataas na gastusin sa operasyon.
Sa bagong sistema, inaasahang mababawasan ang paggamit ng krudo at gastos sa produksyon ng tubig.
Sa pagsasama ng solar energy at conventional power source, target ng proyekto ang mas epektibo at tuloy-tuloy na operasyon ng water supply system.
Makakatulong din ito upang maging mas matatag at environment-friendly ang serbisyo.
Kapag ganap nang naipatupad, inaasahang magbibigay ito ng mas maaasahan at abot-kayang suplay ng tubig sa mga residente ng Barangay Barucboc, alinsunod sa adbokasiya ng pamahalaang lokal para sa sustainable infrastructure.










