
Nahuli ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang indibidwal sa isinagawang search warrant sa isang warehouse sa Brgy. Manggahan, Pasig City.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Gary” at “Mel”, nahuling nagbebenta ng mga appliances na walang Import Commodity Clearance (ICC) stickers mula sa Department of Trade and Industry (DTI).
Narekober sa warehouse ang 200 boxes ng microwave oven, 90 boxes ng griller, 80 boxes ng blender, at 50 boxes ng coffee maker na tinatayang nagkakahalaga ng 2.2 million pesos.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7394 o Consumer Act of the Philippines ang nasabing mga naarestong indibidwal.
Nabatid sa Pilipinas, ang ICC sticker ay nire-require ng DTI para matiyak na ang mga imported goods ay pasok sa minimum safety at quality standards kung saan ang nasabing sticker ay nagsisilbing visual proof na ang produkto ay na-test at nakapasa sa Philippine national standards.










