Saturday, June 6, 2026

LTO, inisyuhan ng show cause order ang lasing na estudyante na naging agresibo sa kalsada

Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver ng isang Hatchback na sasakyan na sangkot sa viral road rage incident sa kahabaan ng Vergara Highway sa Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng komprontasyon ang nasabing driver at ang driver ng isang truck kung saan ilang beses umanong hinampas ng driver ng Hatchback ang truck at nagpakita ng agresibong pag-uugali sa kasagsagan ng insidente.

Ang nasabing driver ay napag-alaman na umano’y isang estudyante, at ang mga kasama nito ay nasa impluwensya ng alak nang maganap ang insidente.

Bukod dito, sa isang hiwalay na isa pang insidente sa Nueva Ecija rin ay may lumitaw na isa pang video na nagcounterflow ito at nagresulta sa pisikal na pananakit sa isang motorista.

Dahil dito, inatasan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ang sangkot na rehistradong may-ari at ang driver na humarap sa tanggapan nito upang magpaliwanag kaugnay ng mga posibleng paglabag, kabilang ang Reckless Driving, Driving While Under the Influence of Alcohol, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Kasalukuyang isinasailalim na din sa masusing imbestigasyon ang isa pang viral video para malaman kung may karagdagan pa itong paglabag.

Suspendido na rin ng 90-days ang driver’s license ng sangkot na driver, habang inilagay naman sa alarm status ang sasakyan nito.

Facebook Comments