
Nakikita ng Malacañang ang posibleng elemento ng usurpation of authority sa pagdinig na isinagawa noong nakaraang linggo nina Senators Alan Peter Cayetano at Rodante Marcoleta sa Senate Blue Ribbon Committee.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, may usapin ng pagpapanggap sa awtoridad kung ang isang tao ay gumaganap ng kapangyarihang hindi naman nakapaloob sa kanyang mandato.
Itinuloy aniya ng mga senador ang pagdinig kahit hindi kinikilala ng Ehekutibo at ng Kamara ang kanilang inaangking awtoridad.
Binigyang-diin din ni Castro na may mga legal experts at dating Senate Presidents na nagpahayag na legal ang naging sesyon ng Senado noong Hunyo 3.
Dahil dito, iginiit ng Malacañang na maaaring masuri sa ilalim ng usurpation of authority ang pagsasagawa ng mga opisyal na aksyon nang walang sapat na kapangyarihan o legal na basihan.










