Tuesday, June 9, 2026

Sen. Erwin Tulfo, handang mag-inhibit sa imbestigasyon ng flood control projects

Handa si Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo na mag-inhibit sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects para dumalo sa pagdinig ang 18 dating bodyguards ni dating Cong. Zaldy Co.

Naunang sinabi ng kampo ng 18 ex-bodyguards ni Co na dadalo sila sa pagdinig kung mag-i-inhibit si Tulfo at iba ang senador na magpe-preside sa komite.

Ayon kay Sen. Erwin, plano na nga sana niyang mag-inhibit subalit ang idinaos kanina sa Blue Ribbon Committee ay consultative meeting pa lang at hindi pa hearing dahil hindi pa nabubuo ang komite at kailangan pa muna itong pagusapan sa plenaryo.

Kulang pa aniya sila ng 4 na myembro mula sa minority na ngayon ay kinabibilangan naman ng Cayetano bloc.

Sinabi ni Tulfo na sa hearing proper niya iaanunsyo ang pag-inhibit at ipauubaya niya ang pag-preside sa pagdinig sa Vice Chairman ng komite na si Senator Kiko Pangilinan o kaya naman ay magtatatag sila ng subcommittee.

Dagdag ni Tulfo, hindi rin makakasuhan ang 18 dating bagmen ni Co sa hindi pagdalo sa Blue Ribbon Committee dahil organizational o consultative meeting pa lang ang nangyari kanina at hindi pa pormal.

Facebook Comments