
Ikinabahala ni Senator JV Ejercito ang nasa ₱206 billion na dagdag-bawas ng Kamara sa inaprubahang ₱7.2 trillion na 2027 national budget.
Nagtataka si Ejercito na Chairman ng Senate Committee on Finance sa laki ng ibinago ng 2027 National Expenditure Program at sa General Appropriations Bill na ipinasa ng Kamara.
Tinukoy ni Ejercito ang mga napunang tapyas sa budget na inilipat sa ibang items.
Kabilang sa binawasan ang ₱130 billion na pondo para sa foreign assisted projects kung saan nakapaloob ang Metro Manila Subway project at ang North South Commuter Railway, ang ₱9.5 billion na calamity fund na lubhang nakakapag-alala dahil sa epekto ng very strong El Niño; at ang ₱4.5 billion na budget para sa health facilities enhancement program.
Tinapyasan din ng ₱4 billion ang budget para sa immunization pero dinagdagan naman ang medical assistance program ng ₱23.9 billion habang sa Department of Public Works and Highways (DPWH) tinapyasan ang pondo para sa right of way ng ₱2.6 billion pero dinagdagan naman ng ₱13 billion ang construction, maintenance, rehabilitation at widening projects.
May bago ring item na Presidential Assistance for Fisherfolks na pinaglaanan ng ₱10 billion at dinagdagan din ng ₱8 billion ang flood mitigation structures pero nasa ₱4.6 billion naman ang ibinawas sa flood mitigation projects sa loob ng mga major river basins.
Kasama rin sa sinita ni Ejercito ang pinalakihan na budget ng Kamara para sa mga ayuda programs tulad ng AICS at TUPAD na ipinagpalagay naman na para pantulong sa mga maaapektuhan ng El Niño.










