
Patuloy na pinalalakas ng Department of Transportation sa pamamagitan ng Philippine Railways Institute (PRI) ang kaalaman at kasanayan ng mga manggagawa sa sektor ng riles para sa mas ligtas at maayos na operasyon ng mga tren sa bansa.
Inaasahang aabot sa 20,000 railway personnel ang kakailanganin para sa mga malalaking proyekto tulad ng Metro Manila Subway, MRT-7, at North-South Commuter Railway (NSCR).
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, malaking tulong ang mga pagsasanay ng PRI upang maging mas propesyonal ang mga tauhan sa safety, operations, at maintenance.
Mula nang maitatag ito noong 2019, halos 5,000 railway personnel na mula sa LRT-1, LRT-2, MRT-3, MRT-7, at PNR ang nakapagtapos sa PRI.
Katuwang ang mga modernong pasilidad tulad ng mga train simulator at mock-up stations sa depot nito sa Valenzuela City, inihahanda lalo na ang mga rail worker sa aktuwal na serbisyo sa industriya.










