
Nagpatupad ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng work stoppage order laban sa The Icon Clinic ni celebrity plastic surgeon Dr. Eric Yapjuangco o “Doc Yappy.”
Ito ay kasunod ng mga umano’y medical malpractice na binanggit ni Senator Raffy Tulfo sa Senate hearing, kung saan kwinestiyon ang umano’y mabagal na pag-aksyon ng Professional Regulation Commission (PRC) sa mga reklamo laban sa mga surgeon at clinic.
Noong 2017, nasangkot ang The Icon Clinic sa pagkamatay ng isang 29-anyos na babae matapos sumailalim sa ilang cosmetic procedures.
Muli itong nasangkot sa isyu noong Marso 2026, nang mamatay ang isang pasyente matapos sumailalim sa apat na cosmetic procedures, kabilang ang liposuction, Brazilian butt lift, tummy tuck at body tite.
Nagsagawa naman ang DOLE ng pagdinig kaugnay sa isyu bago ipatupad ang work stoppage order.
Samantala, ipinatupad din work stoppage order sa restaurant area ng Dusit Thani Residence Davao matapos mamatay ang tatlong engineering personnel habang nagsasagawa ng maintenance work sa sewage treatment facility.
Ang mga biktima ay sina Engineers Reuben James Ramos, Rexter Banal at Lance Molijon.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nakapagtala sila ng carbon monoxide sa confined space na umabot sa 50 parts per million.
Gayunman, hindi pa matukoy kung ito ang sanhi ng pagkamatay ng tatlo.










