Wednesday, October 14, 2026

Pamahalaan, mamamahagi ng water filtration kit sa susunod na linggo kasunod ng panawagan ni PBBM na maghanda ng mga balde kontra El Niño

Mamamahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng water filtration kit sa mga barangay sa Metro Manila sa susunod na linggo kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maghanda ng mga balde upang pag-ipunan ng tubig bilang paghahanda sa Super El Niño.

Sa Malacañang press briefing, ipinakita ni DSWD Secretary Rex Gatchalian kung paano ikabit ang filtration system sa ordinaryong balde upang salain ang maruming tubig at gawin itong ligtas inumin.

Ayon kay Gatchalian, may sertipikasyon mula sa Department of Health (DOH) ang filtration kit bilang medical device at kayang magsala ng mga dumi sa tubig.

Upang patunayan ang paggamit nito, hinaluan ng lupa ang tubig sa balde bago ito dumaan sa filter.

Mismong sina Gatchalian at Palace Press Officer Usec. Claire Castro ang uminom ng sinalang tubig sa demonstrasyon.

Sabi ng DSWD, hindi na kailangang bumili pa ng espesyal na balde dahil maaari nang gamitin ang karaniwang balde sa bahay, basta malinis. Hindi rin kailangan ng kuryente upang patakbuhin ang filtration system.

Maaaring tumagal nang hanggang limang taon ang filter kung lilinisin ito nang tama gamit ang umaagos na tubig.

Facebook Comments