
Pinatitiyak ni Senate Committee on Agriculture Chairperson Kiko Pangilinan sa National Irrigation Administration (NIA) ang kanilang kahandaan para sa inaasahang pinakamatinding El Niño na mararanasan ng bansa mula ngayong taon hanggang sa 2027.
Pinamamadali ng mambabatas ang pagpapatupad at pagpapagawa ng mga irrigation projects lalo’t inaasahang extreme El Niño phenomenon ang mararanasan sa bansa.
Idiniin pa ng senador na hindi ngayon ang panahon para magtipid sa kanal, pumps reservoir, communal irrigation at pagkukumpuni ng irigasyon.
Tinukoy ni Pangilinan na noong 2015-2016, aabot sa 32 libong ektaryang rice fields ang nasira dahil sa naranasang El Niño kaya dapat maagapan ang epekto ng extreme El Niño ngayon.
Sinabi naman ni NIA Administrator Eduardo Guillen na mas proactive sila ngayon dahil may mga nakalatag silang short-term at long-term actions at mayroon ding climate change adaptation plans para maiwasan ang tuluyang pagkatuyo ng mga dams.










