Noong Setyembre 22, nadagdagan ng ₱8.82 kada litro ang presyo ng diesel, na nagdagdag sa gastusin ng mga bus operator.
Ayon kay Heleboy Merra, Terminal Master ng Victory Liner Dagupan, napipilitan silang mag-adjust sa operasyon dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel.
Isa sa ipinatutupad na hakbang ang tinatawag na “merge trip,” kung saan hinihintay munang umabot sa tinatayang 60 porsiyento ang laman ng bus bago ito bumiyahe.
Dahil dito, mula sa dating humigit-kumulang 60 biyahe kada araw sa rutang Dagupan-Baguio, mahigit 40 biyahe na lamang umano ang naisasagawa ngayon.
Hinihiling naman ng Victory Liner at iba pang grupo ng mga bus operator na payagang maipatupad ang fare adjustment na inaprubahan ng LTFRB noong Marso, upang makatulong sa pagsagot sa tumataas na operating expenses.
Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Z. Lopez na pinag-aaralan pa ng Department of Transportation o DOTr ang fare adjustment at ginagawa ang mga hakbang upang hindi labis na maapektuhan ang transport sector.
Sa mga pasahero sa Dagupan, isa sa mga kapansin-pansing epekto nito ang pagbawas ng biyahe at paghaba ng waiting time, na iniuugnay ng operator sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






