Tinatayang ₱408,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa isang 60-anyos na tricycle driver sa isinagawang buy-bust operation sa Binmaley, Pangasinan noong Setyembre 14, 2026.

Ayon sa Pangasinan Police Provincial Office (PPO), isinagawa ang operasyon ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) katuwang ang iba pang police units, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pangasinan, at Binmaley Police Station.

Naaresto sa operasyon ang suspek, na residente ng Lingayen, Pangasinan.

Nakuha mula sa suspek ang dalawang heat-sealed sachet at dalawang self-sealing plastic bag na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu at tinatayang nasa 60 gramo ang kabuuang timbang.

Nakumpiska rin ang isang tunay na ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money at 12 tig-₱1,000 na boodle money.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Binmaley Police Station ang suspek habang inihahanda ng PDEU ang reklamo para sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang mga alegasyon laban sa suspek ay sasailalim sa kaukulang proseso ng batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments