
Malaking tagumpay para sa mga konsyumer ang direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Meralco na i-refund sa loob ng anim na buwan ang humigit-kumulang ₱9.5 bilyon na sobrang nakolektang bayarin.
Ayon kay FPJ Panday Bayanihan Party-list Rep. Brian Poe, ang hakbang ng ERC ay isang makabuluhang tugon sa panawagan ng inihain niyang House Resolution No. 1126 na layuning pabilisin ang refund ng sobrang singil ng Meralco.
Sa pagdinig ng House Committee on Energy, iminungkahi ng Meralco na isauli ang humigit-kumulang ₱9 bilyon na overcollections sa loob ng 36 na buwan.
Pero hindi ito sinang-ayunan ni Poe sa katwirang masyado nang mahaba ang tatlong taong paghihintay ng mga konsyumer para sa perang hindi naman sana nakolekta sa simula pa lamang.
Dagdag pa ni Poe, hindi nagtatapos sa refund ang usapin dahil nananatili ang pangangailangan para sa pananagutan at transparency. Aniya, dapat ding matiyak na ang bawat kwalipikadong konsyumer ay makatatanggap ng refund na tama, kumpleto, at malinaw.










