Monday, August 3, 2026

SP Win Gatchalian, umapela kay Sen. Imee Marcos na tumulong na lang sa pagpapasa ng mga priority bills ngayong 2nd regular session ng 20th Congress

Nanawagan si Senate President Win Gatchalian kay Senator Imee Marcos na sa halip na pumuna, ay tumulong na lamang ang senadora na mapabilis ang pagpapasa ng mga priority bills ngayong 2nd regular session ng 20th Congress.

Kasunod na rin ito ng pagbatikos ni Sen. Imee na napakapalpak ng Senado sa nakalipas na 1st regular session dahil nasa dalawang panukalang batas lang ang kanilang naipasa.

Giit naman dito ni Gatchalian, sumali na lang ang senadora para hindi lumagpak dahil kung tutuusin ay kasama rin si Sen. Imee sa lagpak.

Paliwanag ng Senate president, anumang sabihin nilang mga senador ay sila rin ang matatamaan dahil nasa iisang institusyon lamang sila.

Ngayong 2nd regular session ay sinabi ni Gatchalian na pipilitin ng mga senador na matapos ang mga prayoridad na panukala sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Sa darating na Biyernes ay magdaraos ng pulong ang LEDAC para isapinal ang mga panukalang dapat na unahin at inirerekomenda niyang i-prioritize ang mga economic at business bills dahil sa mabagal na ekonomiya.

Facebook Comments