Thursday, August 6, 2026

MMDA, dumulog na sa NBI dahil sa mga text scam sa pagpapatupad ng NCAP

Personal na nakipag-ugnayan si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Don Artes sa pamunuan ng National Bureau of Investigation (NBI) para makipagpulong kay NBI Director Atty. Melvin Matibag.

Ito ay para tugunan ang pagkalat ng mga peke o mapanlinlang na text messages na nagpapanggap na abiso kaugnay ng pagpapatupad ng MMDA No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ayon kay Chairman Artes, makikipag-ugnayan ang ahensiya sa NBI at iba pang kaugnay na ahensiya tulad ng Land Transportation Office (LTO) at Department of Information and Communications Technology (DICT) upang mapalakas ang kampanya laban sa mga scam at matukoy ang mga nasa likod ng mga mapanlinlang na mensahe.

Tiniyak ng MMDA na pananagutin at sasampahan ng kaukulang kaso ang mga indibidwal o grupong sangkot sa naturang scam para maprotektahan ang publiko laban sa panlilinlang.

Pinaalalahanan din ng MMDA ang publiko na maging mapanuri sa mga natatanggap na text message at ugaliing i-check sa http://mayhulika.mmda.gov.ph kung tunay na may NCAP violation ang kanilang sasakyan.

Binigyang-diin din ng ahensiya na ang opisyal na email notification ng MMDA ay mula lamang sa no-reply@mmda.gov.ph habang ang opisyal na sender name para sa text message ay MMDA_NCAP.

Wala rin aniyang payment links, hindi maaaring mag-reply sa sender at hindi nakasaad ang pangalan ng registered vehicle owner sa mga opisyal na abiso ng MMDA.

Facebook Comments