
Pinapaimbestigahan ng mga kongresistang kabilang sa Akbayan Reform Bloc sa House Committee on Labor and Employment ang magiging epekto ng suspensyon o Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Pasig Regional Trial COurt sa P85 na umento sa sahod para sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR).
Nakasaad ito sa House Resolution No. 1273 na inihain ni Representatives Perci Cendaña, Chel Diokno, Dadah Kiram Ismula, at Kaka Bag-ao.
Layunin ng pagsisiyasat na makapaglatag ng panukalag batas na magpapalakas sa mga wage orders upang hindi na mapigilan muli ang implementasyon ng mga ipag-uutos na dagdag sa sweldo sa hinaharap.
Diin ni Cendaña, dapat ding busisiin kung sapat pa ba ang wage-setting mechanism ng mga wage boards para matukoy ang makatwirang dagdag sa sahod para pambawi ng mga manggagawa sa mataas na presyo ng mga bilihin.










