
Tinalakay ng pamahalaan at ng Private Sector Advisory Council (PSAC) ang mga hakbang upang mapalawak ang AI at digital skills ng mga Pilipino at makalikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho.
Sa ikalimang pulong ng PSAC Education and Jobs Sector Group na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., pinag-usapan ang pagpapatupad ng Semiconductor and Electronics Industry Roadmap at iba pang programa upang maihanda ang mga manggagawa sa pangangailangan ng mga umuusbong na industriya.
Tinalakay rin ang mas mahigpit na koordinasyon ng pamahalaan, pribadong sektor, at academe upang matugunan ang jobs-skills mismatch o hindi pagtutugma ng kakayahan ng mga manggagawa sa pangangailangan ng mga industriya.
Ayon sa Malacañang, layunin ng mga hakbang na mapalawak ang oportunidad sa trabaho, mapaunlad ang kasanayan ng mga Pilipino, at mapalakas ang kakayahan ng bansa na makipagsabayan sa makabagong ekonomiya.










