Monday, July 13, 2026

𝗗𝗔𝗟𝗔𝗚𝗜𝗧𝗔, 𝗧𝗜𝗠𝗕𝗢𝗚 𝗦𝗔 𝗨𝗠𝗔𝗡𝗢’𝗬 𝗣𝗔𝗚𝗡𝗔𝗡𝗔𝗞𝗔𝗪 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗨𝗔𝗬𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬

CAUAYAN CITY- Isang 17-anyos na babaeng menor de edad ang naaresto ng mga awtoridad matapos umanong magnakaw ng isang cellphone at pera mula sa barracks ng mga construction worker sa Brgy. Marabulig 1, Cauayan City, noong ika-11 ng Hulyo.

Kinilala ang biktima na si alyas “Jomar”, 22-anyos, isang construction worker at residente ng Brgy. Balug, Tumauini, Isabela habang ang suspek naman ay kinilalang si alyas “Lj”, at pansamanatalang nanunuluyan sa Brgy. Marabulig 1, Cauayan City.

Batay sa ulat, sinabi ng biktima na nakita niyang lumabas sa barracks ang suspek, na nakasuot ng itim na T-shirt, itim na shorts, at itim na cap. Agad naman siyang humingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.

Sa isinagawang paghahanap, natagpuan ang suspek na nagtatago sa ilalim ng isang puno ng kawayan. Dinala siya sa barangay hall kung saan positibo siyang kinilala ng biktima. Nang tanungin tungkol sa nawawalang cellphone, ay boluntaryo umano niyang isinuko ang ninakaw na gamit.

Inaresto ng mga barangay tanod ang suspek at isinuko sa Cauayan Component City Police Station para sa kaukulang disposisyon.
Ayon sa pulisya, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine at nakipag-ugnayan na rin ang mga awtoridad sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para sa tamang paghawak sa kaso.

Inihahanda na rin ang kasong theft laban sa suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

Facebook Comments