
Cauayan City – Sugatan ang isang lalaki sa Bayambang, Pangasinan matapos siyang tagain ng kanyang sariling kapatid dahil lamang sa nasirang bluetooth speaker.
Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang insidente nang ibalik ng biktima ang hiniram na speaker na umanoβy sira na. Dahil dito, kinompronta siya ng nakababatang kapatid na sinasabing nasa impluwensya ng alak, na siyang nagpasiklab ng mainit na pagtatalo.
Sa gitna ng kaguluhan, hinabol umano ng suspek ang biktima. Sa takot, nagtago ang biktima sa kanyang silid at pilit isinara ang pintong gawa sa plywood.
Gayunman, pinagtataga umano ng suspek ang pinto gamit ang itak upang mapasok ang biktima, dahilan upang masugatan ito sa kaliwang kamay.
Agad na dinala sa ospital ang biktima para sa agarang lunas, habang naaresto naman ang suspek ng mga rumespondeng awtoridad. Narekober din ang itak na ginamit sa insidente.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang buong detalye ng pangyayari.










