Wednesday, April 15, 2026

VP Sara Duterte, bumuwelta sa akusasyon ni Ramil Madriaga na may professor daw na tumulong sa kaniya para makapasa sa law school

Bumuwelta si Vice President Sara Duterte sa aniya’y pawang kasinungalingan na inihayag kahapon sa pagdinig ng House Committee on Justice ni Ramil Madriaga, na tinawag niyang bar flunker at kidnapping suspect.

Partikular na pinasinungalingan ni VP Sara ang akusasyon ni Madriaga na tinulungan daw siya ng professor para makapasa sa law school.

Nilinaw din ni VP Sara na kailanman ay hindi siya nagkaroon ng masamang record sa law school dahil sa karahasan o sa pambabastos ng kapwa estudyante.

Iginiit din ng pangalawang pangulo na nakatapos siya ng abogasya sa sarili niyang pagsisikap at nakakuha aniya siya ng 80 general weighted average sa bar exam sa kabila ng sobrang hirap ng pagsusulit.

Binigyang-diin din ni VP Sara na ang mini-trial ng Committee on Justice ay may bahid ng pag-abuso at korupsyon, lalo na’t lumitaw aniya sa unang impeachment case laban sa kaniya na nagkaroon ng suhulan sa mga miyembro ng Kamara.

Inupakan din ng pangalawang pangulo ang aniya’y kabiguan ng administrasyon na mabigyan ng ayuda ang mga apektado ng krisis dahil ang pondo ng bayan ay ginagamit ngayon sa “political maneuvering” para mapagtakpan ang aniya’y “most corrupt budget” sa kasaysayan ng Pilipinas.

Facebook Comments