
Cauayan City – Nagsagawa ng inspeksyon ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga nakumpiskang ilegal na troso mula sa mga indibidwal na nahuli ng mga awtoridad.
Ang mga nabanggit na troso ay kasalukuyang nakaimbak sa Calitlitan Forest Products Monitoring Station at sa CENRO Aritao Compound sa Nueva Vizcaya upang matiyak ang maayos na dokumentasyon at wastong pangangalaga sa mga ito.
Pinangunahan ni Ismael Manaligod, Regional Executive Director ng DENR Cagayan Valley, ang isinagawang pagsusuri na naglalayong tukuyin kung alin sa mga kahoy ang maaari pang pakinabangan at maipamahagi.
Kabilang rito ang posibleng donasyon sa mga paaralan at iba pang tanggapan ng pamahalaan na nangangailangan ng materyales.
Kasabay nito, inaayos na rin ang mga kinakailangang proseso upang matiyak ang tamang paggamit at disposisyon ng mga nakumpiskang kahoy alinsunod sa umiiral na batas, regulasyon, at mga patakaran ng pamahalaan.
Ayon sa DENR, ang naturang hakbang ay bahagi ng patuloy na kampanya laban sa ilegal na pagtotroso at pagpapatibay sa maayos na pamamahala ng mga likas-yaman.
Ipinapakita rin nito ang mahigpit na pagpapatupad ng batas upang mapangalagaan ang kalikasan at maiwasan ang iligal na gawain sa kagubatan.
Facebook Comments










