Monday, July 20, 2026

Imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects, tiniyak ng isang senador sa pagbabalik ng sesyon

Tiniyak ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo na magkakaroon ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects sa pagbabalik ng sesyon ngayong buwan.

Paliwanag ni Sen. Erwin, hindi sila makapagdaos ngayon ng pagdinig sa flood control scam dahil kailangan muna nilang pormal na buuin ang mga miyembro ng komite upang makapagsimula na sa pagsisiyasat.

Aniya, sa umaga ng July 27 ay agad nilang ipo-formalize ang Blue Ribbon Committee (BRC), kung saan magsusumite ng mga pangalan ng mga senador na magiging miyembro nito.

Umaasa si Sen. Erwin na may mga bagong pangalan pang lalutang sa pagpapatuloy ng imbestigasyon sa katiwalian.

Maglalatag din ang senador ng mga bagong patakaran, tulad ng mas mahigpit na pagsusuri sa mga affidavit at pagbabawal sa mga surprise witness.

Hinimok din ni Tulfo ang mga kapwa senador na suportahan ang pagpasa ng Senate Bill No. 1360 o ang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Act, na titiyak sa pagkakaroon ng master plan para sa mga proyektong pang-imprastraktura at sa pagpapatuloy ng mga proyektong hindi nakadepende sa mga politiko o sa prayoridad ng administrasyon.

Facebook Comments