
Dupax del Norte, Nueva Vizcaya — Naaagnas at nangangamoy na nang matagpuan ng katawan ng isang babae sa isang bangin sa bahagi ng Kampos Buro, Brgy. Bintong, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.
Ang biktima ay isang 33-anyos na ginang, residente ng Brgy. Roxas, Solano, Nueva Vizcaya.
Ayon sa hepe ng PNP Dupax Del Norte na si Police Major Benjamin Pagapa, nasa tatlo hanggang limang metro ang lalim ng bangin kung saan natagpuan ang bangkay.
Tinatayang limang araw na umanong patay ang biktima batay sa kondisyon nito nang madiskubre matapos makalanghap ng mabahong amoy ang mga nasa lugar.
Positibo naming nakilala ang babae ng kanyang mga kaanak sa pamamagitan ng suot nitong damit.
Pinabulaanan naman ng hepe ang kumakalat na balitang pugot o putol umano ang ulo ng biktima. Aniya, naagnas lamang ito.
Dagdag pa ng hepe, wala umanong nakitang palatandaan ng aksidente sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay kaya naman patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pangyayari upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng biktima.










