
Hinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga motorista na maging maingat kapag nakatatanggap ng mga mensaheng nagsasabing may kaugnayan sa mga paglabag sa trapiko o mga abiso tungkol sa pagbabayad.
Ang pahayag na ito ng PNP ay kasunod ng mga ulat tungkol sa mga scammer na nagpapadala ng pekeng text message kaugnay ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Kasabay nito ay inatasan ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na paigtingin ang pagbabantay sa mga ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa NCAP.
Makikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang kinauukulang ahensya upang makatulong sa pag-secure ng mga sistemang ginagamit para sa mga transaksiyon at serbisyo na may kaugnayan sa nasabing polisiya.
Paalala ng PNP ,huwag basta mag-click ng mga kahina-hinalang links para maiwasang mascam at beripikahin kung may naitalang paglabag sa awtorisadong online platform, kagaya ng eGovPH application ng pamahalaan at mga online service na ibinibigay ng MMDA.










