Tuesday, October 13, 2026

𝗣𝟰𝟱 𝗗𝗔𝗚𝗗𝗔𝗚-𝗦𝗔𝗛𝗢𝗗 𝗦𝗔 𝗖𝗔𝗟𝗔𝗕𝗔𝗥𝗭𝗢𝗡, 𝗜𝗡𝗔𝗣𝗥𝗨𝗕𝗔𝗛𝗔𝗡; 𝗣𝟭𝟬𝟬 𝗪𝗔𝗚𝗘 𝗜𝗡𝗖𝗥𝗘𝗔𝗦𝗘, 𝗛𝗜𝗥𝗜𝗧 𝗦𝗔 𝗥𝗘𝗚𝗜𝗢𝗡 𝟮

Inaprubahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang dagdag-sahod na hanggang P45 kada araw para sa mga minimum wage earner sa pribadong sektor sa CALABARZON, na nakatakdang ipatupad sa Oktubre 26, 2026.

Saklaw ng wage increase ang mga manggagawa sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon. Ayon sa National Wages and Productivity Commission (NWPC), mahigit 1.56 milyong manggagawa ang inaasahang makikinabang sa dagdag-sahod.

Maliban sa CALABARZON, naging epektibo na rin noong ika-26 ng Setyembre 2026 ang P60 daily wage increase sa NCR, habang ipatutupad naman ngayong ika-14 ng Oktubre ang P42 daily wage increase sa Central Visayas.

Samantala, pinag-aaralan na rin ang posibleng umento sa minimum wage sa Region 2 o Cagayan Valley. Nagsagawa ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board–II (RTWPB-II) ng mga konsultasyon at public hearing noong Setyembre 2026 upang pakinggan ang mga panukala ng mga manggagawa, employer at iba pang sektor hinggil sa kasalukuyang antas ng sahod sa rehiyon.

Sa isinagawang pagdinig sa Nueva Vizcaya, humiling ang mga kinatawan ng manggagawa ng P100 dagdag-sahod kada araw, gayundin ng P1,500 dagdag sa buwanang sahod ng mga kasambahay. Iniuugnay nila ang panukala sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at produktong petrolyo.

Samantala, hiniling naman ng panig ng mga employer na panatilihin muna ang kasalukuyang sahod ng mga manggagawa.

Sa kasalukuyan, P500 kada araw ang minimum wage para sa mga non-agricultural worker sa Region 2, habang P460 kada araw naman para sa agricultural worker. Nasa P6,500 kada buwan ang minimum wage ng mga kasambahay.

Sa kasalukuyan ay kasalukuyan pa rin ang ginagawang pagsusuri ng wage board ng region 2 sa mga datos na nakuha nila mula sa mga pagdinig na siyang magiging basehan sa posibleng pagbabago ng sahod ng mga manggagawa sa lambak ng Cagayan.

Facebook Comments