
Isinusulong ni House Ways and Means Committee Chairman at Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo na magkaroon ng komprehensibong healthcare maintenance coverage (HMO) ang lahat ng mga pampublikong guro sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Nakapaloob ito sa inihain ni Quimbo na House Bill No. 11603 o panukala na layuning may masandalan ang mga pampublikong guro sa buong bansa kapag kailangan nila ng pangangalaga sa kanilang kalusugan o pagpapagamot kapag sila ay may sakit.
kapag naisabatas ang panukala ni Quimbo ay oobligahin nito ang DepEd na magkasa ng competitive bidding para pumilil ng lisensyado at accredited HMO na may nationwide network ng mga ospital at healthcare providers.
Kabilang sa magiging sakop ng kukuning HMO ang outpatient consultations, laboratory tests and diagnostic procedures gayundin ang bayad sa hospital rooms, sa doktor, operasyon, emergency care; annual physical examinations; mental-health support, kasama ang psychiatric or psychological consultations at therapy.
Diin ni Quimbo, kapag may sakit ang guro ay apektado rin ang mga batang umaasa sa kanya araw-araw kaya kung gusto nating protektahan ang kalidad ng public education ay kailangan nating protektahan din ang mga guro na nasa frontline nito.










