
CAUAYAN CITY- Nasawi ang isang 30-anyos na lalaki sa karambola ng tatlong sasakyan sa Doña Fronie Avenue, Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela ika-labing isa ng Oktubre.
Kinilala ang driver ng SUV na si alyas “John” isang government employee, at residente ng Bucag St., Brgy. District 1, Cauayan City,Isabela.
Batay sa paunang ulat ng Cauayan Component City Police Station,binabagtas ng naturang SUV ang nasabing kalsada nang biglang mawalan ng kontrol ang drayber nito at bumangga sa poste ng streetlight.
Dahil dito, nabangga nito ang mga nakaparadang sasakyan sa gilid ng kalsada bago tuluyang sumalpok sa pader.
Dahil sa lakas ng banggaan, nagtamo ng malubhang pinsala ang biktima at isinugod ng Rescue 922 para sa agarang lunas, subalit idineklara din itong dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Narekober din umano sa lugar ang mga bakas ng pinaghihinalaang nakalalasing na inumin.
Gayunpaman, patuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang eksaktong sanhi ng insidente.










