
Nanindigann ang Commission on Elections (COMELEC) na tuloy ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa Barangay at SK Elections (BSKE) sa September 28 hanggang October 5.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ito ay dahil ang ikalawang araw ng Nobyembre pa rin ang itinakda ng batas na araw ng eleksyon hanggang sa kasalukuyan.
Dahil dito, tuloy-tuloy rin daw ang kanilang paghahanda para sa halalan lalo’t wala pang ipinapasang batas na nagtatakda ng bagong petsa.
Sinabi pa ni Garcia na nakadepende na sa Kongreso kung ipagpapaliban ang BSKE pero sa ngayon ay ipatutupad at susundin nila ang batas na November 2 ang halalan.
Umaasa rin ang poll body na hindi sila sisisihin kung hindi sila tumitigil sa paghahanda lalo’t ito aniya ang kanilang mandato.










