
Iginiit ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na hindi dapat umakto si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy na biktima.
Sinabi ito ni De Lima, kasunod ng kasong libel at cyberlibel na inihain ni Quiboloy laban sa kaniya, gayundin kina Senator Risa Hontiveros at Congressman Percy Cendaña.
Giit ni De Lima, sa halip na sayangin ang government resources ay mas mainam na ipagtanggol na lang ni Quiboloy ang kanyang sarili sa kanyang mga kaso sa mga karumaldumal na krimen na panggagahasa at pagturing sa mga kababaihan bilang mga personal na kagamitan.
Para naman kay Akbayan Party-list Rep. Cendaña, isang karangalan na mapahanay sa mga kababaihang may prinsipyo at tapang para harapin ang panggigipit ni Quiboloy.
Tiniyak din ni Cendaña na hindi sila titigil na na ipaglaban ang katarungan para sa mga biktima ng kahayupan ni Quiboloy.
Kaya payo ni Cendaña kay Quiboloy, ituon ang kanyang oras at lakas sa pagharap sa mga biktima sa korte sa Amerika at sana din ay magkaroon ito ng katiting na pagsisisi sa mga ginawa niyang kahayupan at kasamaan.










