
CAGAYAN – Sinimulan na ng Office of the Ombudsman ang preliminary investigation laban kay Cagayan Third District Representative Joseph Lasam Lara at ilang miyembro ng kanyang pamilya kaugnay ng umanoβy interes nila sa mga construction company na nakakuha ng bilyong pisong kontrata mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, nahaharap si Rep. Lara sa mga reklamong plunder at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Kabilang din sa iniimbestigahan ang kanyang asawa, mga anak at manugang.
Batay sa reklamo at ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), umanoβy nakatanggap si Lara ng mahigit β±1.9 bilyon mula sa mga kamag-anak, affiliated entities, at tanggapan ng DPWH mula 2019 hanggang 2025. Iniuugnay rin siya sa mga transaksyong nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso na may kaugnayan sa mga construction company na JLL Pulsar Construction Corporation, JDL5 Construction Corporation at Pulsar Construction Corporation.
Pinaghihinalaan ding hindi tuluyang inalis ni Lara ang kanyang interes sa mga kumpanyang nakakuha ng kontrata ng gobyerno habang nanunungkulan bilang kongresista, na posibleng lumabag sa mga umiiral na batas.
Tiniyak ni Remulla na susuriin ng Ombudsman ang mga transaksyong pinansyal at kasunduan upang matukoy kung may sapat na ebidensya para maisampa ang mga kasong kriminal.
Gayunman, ang mga paratang ay sumasailalim pa sa imbestigasyon at bibigyan sina Lara at ang iba pang inirereklamo ng pagkakataong sagutin ang mga alegasyon at ihain ang kanilang depensa.










