Monday, April 27, 2026

𝗧𝗔𝗔𝗦-π—£π—”π—¦π—”π—›π—˜ 𝗦𝗔 π—˜π—₯π—’π—£π—Ÿπ—”π—‘π—’, π—œπ—‘π—”π—”π—¦π—”π—›π—”π—‘ 𝗦𝗔 π—•π—”π—šπ—’π—‘π—š 𝗦𝗨π—₯𝗖𝗛𝗔π—₯π—šπ—˜ π—Ÿπ—˜π—©π—˜π—Ÿ

Cauayan City – Inaasahang tataas pa ang pamasahe sa eroplano matapos itaas ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge na ipinapataw ng mga airline, kasunod ng patuloy na paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
β€Ž
β€ŽMula Level 8, itinaas ng CAB ang fuel surcharge sa Level 19 para sa ikalawang bahagi ng Abril.
β€Ž
β€ŽDahil dito, aabot sa β‚±627 hanggang β‚±1,824 ang posibleng dagdag-singil sa domestic flights, habang β‚±2,070.77 hanggang β‚±15,397.15 naman sa international flights, depende sa distansiya ng biyahe.
β€Ž
β€ŽNauna nang ipinatupad ang Level 8 sa unang kalahati ng buwan, kung saan mas mababa ang dagdag-singil sa pamasahe para sa domestic at international flights.
β€Ž
β€ŽAyon sa CAB, pansamantala lamang ang naturang antas at maaaring magbago pa depende sa presyo ng langis.
β€Ž
β€ŽPaalala rin ng ahensya sa mga airline, kinakailangan ang tamang aplikasyon at hindi dapat lalampas sa itinakdang fuel surcharge ang kanilang ipapatupad.

Facebook Comments