
Pinapayuhan ng pamunuan ng Manila North Cemetery (MNC) ang publiko na magdoble-ingat sa pagbisita sa nasabing sementeryo sa paggunita ng Undas 2026.
Ito ay bunsod ng mainit na panahong nararanasan ngayon. Ayon kay MNC Director Dandan Tan, mas makabubuting manatili muna sa kanilang mga tahanan ang publiko at iwasang sumabay sa dagsa ng mga tao sa mismong araw ng Undas. Kung hindi naman maiiwasang bumisita, pinapayuhan silang magdala ng mga gamit na makatutulong upang makaiwas sa matinding init.
Kaugnay nito, sinabi ni Director Tan na magsasagawa sila ng libreng sakay mula Oktubre 29 hanggang 31 upang maibsan ang hirap sa pagpunta sa Manila North Cemetery.
Aniya, iikot ang mga electric vehicle (EV) sa sementeryo, ngunit bibigyang-prayoridad ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), mga may karamdaman, buntis, at mga may kasamang bata upang hindi mahirapan sa paglalakad at maiwasan ang pagkakasakit dulot ng matinding init ng panahon.
Pag-aaralan naman kung itutuloy ang libreng sakay sa mismong araw ng Undas o Nobyembre 1, lalo na’t inaasahang dadagsa ang milyun-milyong indibidwal, na posibleng magdulot ng pagsisikip ng daloy ng mga tao at makasagabal sa mga naglalakad.
Upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, maglalagay ng mga first aid tent sa loob at labas ng sementeryo. Magsasagawa rin ng operasyon upang mahuli ang mga asong at pusang pagala-gala sa lugar.










