𝟮 𝗠𝗘𝗡𝗢𝗥 𝗗𝗘 𝗘𝗗𝗔𝗗, 𝗦𝗨𝗚𝗔𝗧𝗔𝗡 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗠𝗔𝗔𝗞𝗦𝗜𝗗𝗘𝗡𝗧𝗘 𝗦𝗔 𝗕𝗔𝗧𝗔𝗟

Cauayan City – Sugatan ang dalawang menor de edad na badjao matapos mabangga ang sinasakyang motorsiklo sa isang van sa kahabaan ng Purok Nieto, Brgy. Batal, Santiago City, Isabela.
Kinilala ang drayber ng motorsiklo na si alyas “Jay”, 14 anyos sakay si alyas “Jose”, 15 anyos pawang mga residente ng Brgy. Mabini, Santiago City, Isabela.
Habang ang drayber naman ng Van ay si Jowel Espinola, 46 anyos, residente ng San Pascual, Batangas.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng dalawang behikulo ang magkasalungat na direksyon.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, pumasok ang motor sa kabilang linya dahilan upang aksidenteng mabangga nito ang paparating na van.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang drayber at sakay ng motorsiklo na agaran namang dinala sa pagamutan.
Sa pinakahuling ulat, nagkausap at nagkaayos na ang dalawang panig hinggil sa insidente.
Facebook Comments