HALOS ₱1.4 MILYONG HALAGA NG ILLEGAL NA DROGA, NASAMSAM; 33 DRUG PERSONALITIES, ARESTADO SA REGION 1

Umabot sa mahigit ₱1.41 milyon ang kabuuang halaga ng ilegal na droga na nasamsam ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa isinagawang anti-illegal drug operations sa Ilocos Region mula Hulyo 8 hanggang 14, 2026.

Ayon sa PRO 1, nasa 25 operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng 33 drug personalities at pagkakakumpiska ng hinihinalang ilegal na droga na may kabuuang standard drug price na ₱1,413,682.40.

Kabilang sa mga nasamsam ng mga operatiba ang humigit-kumulang 119.5 gramo ng hinihinalang shabu at 5,009.02 gramo ng hinihinalang dried marijuana leaves mula sa magkakahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Isa sa mga pangunahing operasyon ay isinagawa sa Alilem, Ilocos Sur noong Hulyo 10, kung saan naaresto ang dalawang high-value individuals at nasamsam ang halos limang kilo ng hinihinalang marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng ₱600,000.

Ayon sa PRO 1, ang mga matagumpay na operasyon ay bunga ng pinaigting na intelligence-driven operations, mas malawak na koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at pagtutulungan ng iba’t ibang yunit ng PNP sa ilalim ng Enhanced A.L.E.R.T.O. Framework. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments