1 NPA, Napatay sa Engkwentro sa Asipulo, Ifugao

62
Cauayan City, Isabela- Napatay sa 5-minuto bakbakan ang isang miyembro ng Weakened Guerilla Front-AMPIS matapos ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng 54th Infantry Battalion at makakaliwang grupo sa Sitio Binangyuyaw, Barangay Namal, Asipulo, Ifugao kahapon, May 29, 2022.

Ayon kay LtC Franz Joseph S Diamente, Commander ng 54IB, kasalukuyan pa nilang bineberipika ang pagkakakilanlan ng nasabing rebelde.

Aniya, nakakalungkot na may isa na namang nasawi na miyembro ng rebeldeng grupo sa kabila ng patuloy na paghimok sa mga ito na magbalik loob sa pamahalaan dahil sa kanilang maling ideolohiya.

Maliban sa bangkay, narekober ng mga awtoridad ang isang M16A2 rifle na ginamit ng NPA na nagmamadaling umalis papalayo.

Dagdag pa dito, matatandaan na dalawang magkasunod na bakbakan ang naganap noong May 23-24, 2022 kung saan isang alyas Junel, Vice Commanding Officer ang iniwan ng kanyang mga kasamahan na nag-aagaw buhay na dinala naman ng mga tropa ng militar sa pagamutan para bigyan ng lunas.

Patuloy ang paghimok ng pamahalaan sa iba pang miyembro ng New People’s Army na magbalik loob na sa pamahalaan at nararapat na magkaroon ng komportableng buhay kasama ang pamilya.

Facebook Comments