10-TAON NA BATA, PATAY MATAPOS BUMANGGA ANG SINASAKYANG VAN SA ISANG TRUCK SA JONES, ISABELA

Patay ang 10-taong gulang na bata matapos bumangga sa nakaparadang FUSO Fighter Freezer Van Truck ang sinasakyang nitong Toyota Hi Ace van kasama ang kanyang ama dakong alas-6:00 ng gabi nitong Diyembre 15, 2022 sa National Highway, Brgy Payac, Jones, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng Jones Police Station, kinilala ang nasawing biktima na si Keirstein Joy Rapisora na residente ng Brgy. Dalibubon sa naturang bayan.

Habang ang drayber naman ng truck ay kinilalang si Gerald Mike Lopez, 24-anyos, binata, at residente ng Brgy. Payac Jones Isabela.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, nakaparada noon ang truck sa gilid ng kalsada malapit sa mismong bahay ni Lopez at kasalukuyan noon na naghahanda para sa kanyang biyahe habang ang Toyota van naman na minamaneho ni PSMS Ryan Rapisora, 42-anyos at miyembro ng Regional Highway Patrol Unit ay kasalukuyan na binabagtas patungong Jones proper kasama ang anak at mga pinamiling Sodas at feeds ng mawalan ng pokus sa pagmamaneho.

Nagawa pang sabihan ng 10-taong gulang na bata ang kanyang ama na nawawalan na ito ng pokus at patungo na sa outer lane ng kalsada hanggang sa bumangga na lamang ang van sa likurang bahagi ng truck.

Naisugod pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit hindi pinalad na makaligtas ang bata matapos ideklarang dead on arrival ng sumuring duktor.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente.

Facebook Comments