100% internet connectivity sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa, target ni PBBM bago matapos ang taon

Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sisikapin ng pamahaalan na magkakaroon ng internet connectivity ang lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa bago matapos ang taong 2025.

Sa isinagawang School Connectivity Drive sa Flora A. Ylagan High School sa Quezon City, nagkaroon ng virtual interaction si Pangulong Marcos at ang mga guro na nasa malalayong lugar.

Dito ay ipinarating ng mga guro sa pangulo ang kanilang kailangan sa mga paaralan tulad ng internet.

Ilan kasi sa mga guro ang nagsabi sa pangulo na malaking tulong ang libreng Wi-Fi sa kanilang paaralan dahil hindi na nila kailangang umakyat pa ng bundok o pumunta sa tabing-dagat para lamang makasagap ng signal para sa paggawa ng kanilang mga report sa pagtuturo.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos, pararamihin pa ang Starlink internet connectivity lalo na sa mga geographically isolated and disadvantaged area o mga liblib at kulang sa serbisyo na mga lugar.

Ayon sa pangulo, sisikapin ng pamahalaan na makamit ang 100% connectivity sa mga paaralan bago matapos ang taon para makasabay ang lahat ng mga estudyanteng Pilipino sa teknolohiya at digital access.

Facebook Comments