
Nagbabala ang Philippine National Police o PNP-Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) sa lahat ng private security personnel laban sa paggamit ng mga unipormeng hindi aprubado ng kanilang opisina.
Sa isinagawang post-to-post inspection ng SOSIA, ilang security guard ang nahuling naka-duty habang suot ang mga hindi-awtorisadong uniporme tulad ng barong, Baywatch attire, at iba pa na labag sa panuntunan.
Sa ilalim ng Memorandum Advisory No. 025 na pirmado ni SOSIA Chief PBGen. Marlou Roy Alzate, mariing ipinagbabawal ang paggamit ng special set of uniforms maliban na lamang kung may kalakip na letter of authority mula sa opisina ng SOSIA.
Binigyang-diin sa memo na ang sinumang lalabag ay sasampahan ng kaukulang parusa alinsunod sa Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 11917 o Private Security Services Industry Act.
Pwedeng masuspinde o mabawi ang lisensya ng mga gwardyang lalabag, habang ang kanilang security agency ay pagmumultahin: ₱10,000 sa unang paglabag, ₱20,000 sa ikalawa, at ₱30,000 o tuluyang kanselasyon ng License to Operate sa ikatlong offense.