
Para kay Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando, sumasalamin sa pagkadismaya ng publiko sa mababang sahod at patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin ang -11 net satisfaction rating ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. batay sa huling survey ng Social Weather Stations.
Ayon kay San Fernando, ipinapakita nito na hindi sapat ang fuel subsidy at ayuda mula sa gobyerno kung hindi tutugunan ang ugat ng krisis sa kabuhayan.
Diin ni San Fernando, hindi nakapagtataka ang -11 net satisfaction rating ni PBBM dahil habang abala sa bangayan ang mga pulitiko ay patuloy na problemado ang ordinaryong Pilipino kung paano pagkakasyahin sa araw araw ang kakarampot na sahod sa dami ng bayarin at taas ng presyo ng mga bilihin.
Bunsod nito ay hinimok ni San Fernando ang administrasyon na magpatupad ng pangmatagalang solusyon, kabilang ang makabuluhang umento sa sahod, pagtanggal sa provincial wage rates at mga hakbang upang mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin.










